ni Gat Andres Bonifacio
Sumikat na Ina sa sinisilangan
Ang araw ng poot ng Katagalugan,
Tatlong daang taong aming iningatan
Sa dagat ng dusa ng karalitaan.
Walang isinuhay kaming iyong anak
Sa bagyong masasal ng dalita’t hirap;
Iisa ang puso nitong Filipinas
At ikaw ay di na Ina naming lahat.
Sa kapuwa Ina’y wala kang kaparis
Ang layaw ng anak: dalita’t pasakit;
Pag nagpatirapang sa iyo’y humibik,
Lunas na gamot mo ay kasakit-sakit.
Gapusing mahigpit ang mga Tagalog,
Hinain sa sikad, kulata at suntok,
Makinahi’t ‘biting parang isang hayop;
Ito baga, Ina, ang iyong pag-irog?
Ipabilanggo mo’t sa dagat itapon;
Barilin, lasunin, nang kami’y malipol.
Sa aming Tagalog, ito baga’y hatol,
Inang mahabagin, sa lahat ng kampon?
Aming tinitiis hanggang sa mamatay;
Bangkay nang mistula’y ayaw pang tigilan,
Kaya kung ihulog sa mga libingan,
Linsad na ang buto’t lumuray ang laman.
Wala nang namamana itong Filipinas
Na layaw sa Ina kundi pawang hirap;
Tiis ay pasulong, patente’y nagkalat,
rekargo’t imp’westo’y nagsala-salabat.
Sari-saring silo sa ami’y inisip,
Kasabay ang utos na tutuparing pilit,
May sa alumbrado—kaya kaming tikis,
Kahit isang ilaw ay walang masilip.
Ang lupa at buhay na tinatahanan,
Bukid at tubigang kalawak-lawakan,
At gayon din pati [ng mga halaman],
Sa paring Kastila ay binubuwisan.
Bukod pa sa rito’y ang mga iba pa,
Huwag nang saysayin, O Inang Espanya!
Sunod kaming lahat hanggang may hininga,
Tagalog di’y siyang minamasama pa.
Ikaw nga, O Inang pabaya’t sukaban,
Kami’y di na iyo saan man humanggan,
Ihanda mo, Ina, ang paglilibingan
Sa mawawakawak na maraming bangkay.
Sa sangmaliwanag ngayon ay sasabog
Ang baril at kanyong katulad ay kulog;
Ang sigwang masasal sa dugong aagos
Ng kanilang bala na magpapamook.
Di na kailangan sa iyo ng awa
Ng mga Tagalog, O! Inang kuhila,
Paraiso namin ang kami’y mapuksa,
Langit mo naman ang kami’y madusta.
Paalam na Ina, itong Filipinas,
Paalam na Ina, itong nasa hirap;
Paalam, paalam, Inang walang habag,
Paalam na ngayon, katapusang tawag.
http://community.livejournal.com/bonifaciolive/296.html